-- Advertisements --

ROXAS CITY – Nakatakdang dumating sa lalawigan ng Capiz ang unang batch ng mga repatriated overseas Filipino workers (OFW’s) ngayong araw, Abril 28.

Ito ang inihayag ni Capiz Governor Esteban Evan Contreras sa isinagawang COVID-19 Capiz Provincial Inter-Agency Task Force meeting.

Nabatid na dahil sa pagtutol ng lokal na gobyerno ng lungsod ng Roxas na gawing quarantine facility ang Capiz National High School sa Barangay Tiza, Roxas City, pauuwiin ang mga OFWs sa kani-kanilang bayan at ang mga local government units (LGUs) ang aatasan para sa kanilang magiging quarantine facility para sa 14-day quarantine period.

Nabatid na ang naturang mga OFWs ay nagnegatibo na sa COVID-19 rapid testing sa Metro Manila at dadaan sa Iloilo kung saan sa kanilang pagdating sa Capiz, isasailalim ang mga ito sa polymerase chain reaction (PCR) test upang masigurong ligtas sila at negatibo sa virus.

Ngayong araw ay umaabot sa 20 sa halos 200 mga repatriated OFW’s ang unang makakauwi sa lalawigan.