-- Advertisements --

Inianunsyo ng National Task Force na maaantala umano ang pagdating ng unang batch ng COVID-19 vaccines mula sa Pfizer at AstraZeneca.

Inaasahang ngayong linggo sana darating ang 117,000 doses ng bakuna at magagamit na Pebrero 15.

Sinabi ni National Task Force deputy chief implementer Vince Dizon, nagkaroon ng delay sa pagproseso sa delivery ng mga bakuna kaya posibleng sa susunod na linggo o ikatlong linggo ng buwan darating sa bansa.

Una rito, kinumpirma ng Malacañang na darating na sa bansa ang Sinovac vaccines mula China sa Pebrero 23 ngayong taon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, 600 libong doses ng Sinovac ang inaasahang darating, 100 libo rito ay donasyon ng China sa Department of National Defense (DND) para sa mga sundalo.

Sa ngayon ay hindi pa naaprubahan ng Food and Drug Administration ang aplikasyon ng Sinovac para sa emergency use authorization (EUA) dahil kasalukuyan pa rin itong pinag-aaralan ng vaccine expert panel.

Gayunman, inihayag ni Sec. Roque na mayroon nang katulad na sitwasyon ang Sinovac sa Indonesia, kung saan nauna itong dumating sa kanilang bansa kahit wala pang EUA.

Kaya ang ginawa umano rito ay hinintay muna nilang mailabas ng regulatory body roon ang EUA na inabot ng isang buwan bago ginamit ang bakuna.