Kinumpirma ng provincial government ng Oriental Mindoro na isang 1-year old and nine months na sanggol ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa kanilang lalawigan.
Sa isang online post sinabi ni Oriental Mindoro Gov. Humerlito “Bonz” Dolor na nag-test positive sa sakit ang isang sanggol mula sa Brgy. Ilaya, Calapan City.
Ayon sa gobernador, may travel history ang sanggol sa Alabang, Muntinlupa sa pagitan ng March 5 at March 12. Sa ngayon hinihintay pa raw ang resulta ng test sa guardian ng bata.
“Ang bata ay may history of travel to Alabang mula March 5-March 12. Dahil siya ay napakabata pa at upang siguraduhin pang lalo humiling ako sa DOH na muling ipasuri (confirmatory test) ang kanyang specimen at ito naman ay kagyat na pinagbigyan. Isasailalim na rin sa testing ang kanyang mga guardians,” ani Dolor sa isang Facebook post.
“Ginagawa na po namin katuwang ang PHO at City Health Office ang contact tracing at ang lahat ng kinakailangang protocols upang mahanap ang mga nakasalamuha niya habang naka-confine siya at bago pa dinala sa ospital. Sa kasalukuyan ay meron na rin pong confirmed sa ating karatig lalawigan.”
Kasabay nito ay sinimulan na rin umano ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng baby.
Samantala, negatibo naman sa sakit ang pito mula sa 13 patients under investigation ng lalawigan.