DAGUPAN CITY – Tuluyan nang binawian ng buhay ang unang positibong kaso ng sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lalawigan ng Pangasinan na mula sa bayan ng Bayambang.
Sa kumpirmasyon ng pamahalaang bayan ng Bayambang, inihayag nilang namatay ang biktima sa Lung Center of the Philippines sa Quezon City ngayong Biyernes, Marso 20.
Napag-alaman na ang pasyente ay una nang sinuri noong mga nakalipas na araw nitong buwan ng Marso subalit ngayong araw lamang dumating ang resulta mula sa Department of Health (DOH).
Sa ngayon, ang DOH katuwang ang Rural Health Unit ng bayan, ay nakatutok sa monitoring sa mga nakasalamuha ng biktima at pinapayuhang mahigpit na sundin ang home quarantine.
Hinihiling naman ng pamahalaang panlalawigan na maging kalmado sa kabila ng naturang pangyayari at sa halip ay makiisa sa ginagawang mga hakbang gobierno upang hindi kumalat ang virus na nagdudulot ng naturang sakit.