BACOLOD CITY – Kinumpirma ng isang Filipino nurse sa New Jersey, USA na isasagawa ang inoculation ng first dose ng coronavirus vaccine ng Pfizer sa nasabing estado sa university hospital sa Newark sa Disyembre 15.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mariecel Gammacurta, inanunsyo ni Governor Phil Murphy na ibibigy sa Martes ng umaga ang pinakaunang dose ng bakuna sa New Jersey sa state owned hospital na dadaluhan ng gobernador at Health Commissioner Judy Persichilli.
Samantala, nakatanggap naman sila ng email mula sa chief executive officer ng ospital na kanyang pinagtatrabahuhan na sa susunod na linggo, magsisimula na ang pamimigay ng bakuna sa kanilang mga empleyado.
Ayon sa nurse, may iba’t-ibang phase ng vaccination kung saan ang Phase 1 ang kinabibilangan ng mga team members sa emergency room, critical care unit, dialysis staff, respiratory therapist at mga emergency medical technician.
Ang Phase 2 naman ay kinabibilangan nga mga down units na hindi kritikal habang ang mga board members at non-clinical staff ang nasa Phase 3.
Sa ngayon, aniya, wala pang petsa at oras kun kailan isasagawa ang inoculations sa kanilang ospital ngunit excited na ito na magpabakuna.
Ayon sa Pinay nurse, kahit marami ang nagdududa na minadali ang approval nito, naniniwala si Gammacurta na safe at epektibo ang vaccine.