-- Advertisements --

Inaasahan ng mga health authorities sa bansang France na hahaba pa ang listahan ng mga kaso ng nakamamatay na coronavirus na maitatala nila sa kanilang bansa.

Sa France kasi tumama ang unang dalawang kaso ng naturang virus sa buong Europe.

Ayon kay French health minister Agnès Buzyn, nanggaling umano sa China ang dalawang pasyente na nakitaan ng sintomas ng coronavirus.

Isa sa mga pasyente, na natukoy na isang 48-anyos na lalaki, ay dumaan muna sa sentro ng outbreak sa Wuhan City, bago bumiyahe pabalik sa France nitong Miyerkules.

Inilagay na raw nila sa insulated room ang naturang lalaki upang hindi na ito makahawa pa.

Habang ang isa pang pasyente ay nananatili ngayon sa isang ospital sa Paris.

Kaugnay nito, kinumpirma na rin ng mga otoridad sa Estados Unidos ang ikalawang kaso ng Wuhan coronavirus sa Amerika.

Sa pahayag ng US Centers for Disease Control and Prevention, isang babae mula sa Chicago ang panibagong biktima ng naturang virus.

Una nang na-diagnose ang isang lalaki mula sa estado ng Washington na mayroong virus makaraang bumalik galing Wuhan.

Sa kasalukuyan, nagdulot na ang bagong tuklas na virus ng pagkamatay ng 26 katao, at pagkakahawa ng mahigit sa 800. (Al Jazeera/ Reuters)