CAUAYAN CITY – Nasa kasagsagan na ng pagsasanay ng kauna-unahang kandididata ng lalawigan ng Kalinga sa Miss Universe Philippines.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Noreen Victoria Mangawit, 21-anyos, tubong Pinukpuk, Kalinga ngunit naninirahan ngayon sa Tabuk City, Kalinga na puspusan ngayon ang kanilang in-house training bago ang pagsabak sa nasabing patimpalak.
Bukod sa ginagawa niyang training ay mayroon ding ginagawang pagsasanay ang kanyang team upang mapagbuti pa ang kanyang performance dahil baguhan pa lamang ito.
Sinabi pa ni Mangawit na natutuwa siya na kasama siya sa mga kandidata ng Miss Universe Philippines na kakatawan sa Kalinga.
Bilang kandidata ng lalawigan ay maipapakita niya rito ang kagandahan ng mga Y-kalinga, hindi lamang sa panlabas na anyo kundi maging sa panloob at maipagmamalaki din niyang ibahagi ang kultura na kanyang kinagisnan.
Si Mangawit ay nagtapos ng Bachelor of Arts and Social Sciences Major in Economics sa University of the Philippines-Baguio at kasalukuyang nagtatrabaho bilang Presidential Staff Officer sa ilalim ng Office of the President.