-- Advertisements --

Labis na ikinatuwa ng Malacañang ang mataas na net satisfaction rating na nakuha ng mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, nagagalak sila lalo’t ito ang kauna-unahang nakakuha ng very good rating ang mga Cabinet members ni Pangulong Duterte.

Batay sa resulta ng SWS survey, ang “good” na +44 noong Marso ay sumipa papuntang “very good” nitong Hunyo sa +51.

Ayon kay Sec. Panelo, patunay ang naturang survey sa sentimyento ng mga Pilipinong naniniwala na kumikilos ang kasalukuyang gobyerno para sa kapakanan ng taongbayan.

Kasabay ng pagbati sa kanyang mga kasamahan sa gabinete ay umaasa naman si Sec. Panelo na mas pag-iibayuhan pa ng mga ito ang trabaho para magkaroon ng pagbabago sa bansa batay na rin sa hangarin ni Pangulong Duterte.