LEGAZPI CITY – Alay sa amang naka-comatose ang nasungkit na pinakaunang gold medal ng Pilipinas sa nagpapatuloy na 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Pagbabahagi ni Francine Padios, Pencak Silat gold medalist sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, aminado itong humaharap sa mabigat na pagsubok habang lumalaban para sa bansa.
Nasangkot sa isang car accident ang ama nito habang pauwi ng Aklan na dahilan ng pagka-comatose pero maayos naman ang vitals sa ngayon.
Nagpasalamat naman si Padios sa lahat ng sumuporta sa kaniya sa pag-abot ng medalya na dati ay panaginip lang.
Kahit kabado at nanibago nang ilang taon ding nagpahinga at hindi makapaglaro sa pandemiya, nanindigan itong walang masasayang sa lahat ng pagod at hirap na dinanas sa training.
Kaya naman, bigay-todo ang ngiti at pag-awit ng Lupang Hinirang nang magawaran ng gintong medalya.
Samantala, muling lalaban si Padios sa World Championship sa Jamaica at nais na muling maitaas ang bandila ng Pilipinas.