BRITISH COUMBIA, Canada – Naitala ng Canada ang unang kaso nito ng human H5 bird flu sa probinsya ng British Columbia kung saan 22 na poultry farms ang tinukoy na infected sa virus ayon sa health official.
Napag-alaman na ang tinamaan ng naturang sakit ay isang teenager na pinag hihinalaan namang nahawa ng virus sa isang ibon o iba pang hayop.
Ang H5 bird flu o avian influenza ay isang uri ng virus na karaniwang tumatama sa mga hayop partikular na sa mga ibon na maaaring kumalat sa mga tao kung ang mga hayop na may virus ay direktang hinawakan, nakain o nalanghap.
Kasalukuyan naman nagpapagaling ang biktima sa children’s hospital.
Ayon kay Canada health minister Mark Holland, patuloy nilang inaalam ang pinagmulan ng hawaan at kung paano ito napasa sa biktima.
Ilang mga eksperto naman ang nababahala dahil may mga ebidensya na umano ang nagpapatunay na posibleng mauwi sa ‘pandemic’ ang naturang virus dahil sa maaaring pagbilis ng hawaan sa kapwa tao.
Ilan naman sa mga sintomas ng naturang virus ay ang pagkakaroon ng lagnat, ubo, sipon, hirap sa paghinga, pagkahilo at pananakit ng katawan.
Samantala sa Pilipinas, maalalang nailagay sa surveillance at close monitoring ang lalawigan ng Cagayan makaraang dumapo ang H5N1 strain ng bird flu virus sa mga gamefowl sa bayan ng Solana noong Enero, 2023.
Kasunod nito inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) ang lalawigan ng Cagayan bilang birds flu free matapos mag negatibo ito sa naturang virus.