Agad na uminit ang usap-usapan sa Japan lalo na sa mga basketball fans matapos na piliin kahapon bilang No. 9 overall pick ng Washington Wizards si Rui Hachimura sa NBA draft.
Si Hachimura ang itinuturing na pinakaunang Japanese player na tutuntong sa NBA na nagmula sa draft.
Dahil dito, agad namang nag-trending ang pangyayari sa Japan at naging sentro ng usapan.
Ayon sa mga analysts, tiyak aniyang babango ang basketball sa naturang bansa lalo na at pinakapopolar doon ang soccer.
Ang 6-foot-8 at 235-pound forward na si Hachimura ay nag-average na 19.7 points at 6.5 rebounds noong nakaraang season bilang junior sa US college Gonzaga.
Dahil sa pangunguna sa puntos siya ang napiling West Coast Conference player of the year.
Samantala, meron na ring Japanese player na nakuha sa draft sa NBA na si Yasutaka Okayama noong 1981 pero minalas na hindi nakalaro sa regular-season games.
Habang meron ding nakapaglaro sa NBA na Japanese players na sina Yuta Tabuse ng Suns noong 2004-05 at si Yuta Watanabe ng Grizzlies sa season 2018-19.