Bakas ang excitement ni 2020 Miss Universe Philippines Rabiya Mateo sa tila nalalapit na pag-uwi sa Pilipinas.
Walang binanggit na araw ang 24-year-old half Indian beauty na tubong Iloilo sa kanyang pag-countdown, pero una nang lumabas ang ulat na sa darating na Hulyo siya babalik ng bansa.
Mahigit dalawang buwang nanatili sa Amerika si Rabiya, kung saan dumating ito noong Abril para sa pre-pageant activity ng 69th Miss Universe.
Nitong Mayo naman nang makaabot lamang siya hanggang sa Top 21 ng Miss Universe ngunit piniling magbakasyon muna sa layuning mahanap ang Indian na ama.
Gayunman, naging kontrobersyal ang lovelife ng Fil-Indian beauty queen matapos mapaulat na nagkakalabuan sila ng non-showbiz long time boyfriend at na-link sa sa kaedarang modelo na si Andre Brouillette.
Pero para sa first ever winner ng kauna-unahan ding hiwalay na Miss Universe Philippines, dumaan na sila sa ganoong komplikadong sitwasyon ng boyfriend at sila ay mag-uusap pagkauwi niya sa Pilipinas.