Opisyal nang binuksan ng National Authority for Child Care ang 1st National Congress on Adoption, and Child Care nitong Miyerkules, Hunyo 26, sa lungsod ng Cebu para sa Visayas cluster.
Dumalo sa dalawang araw na pagtitipon ang mga kinatawan mula sa 21 local government units ng Visayas region.
Binigyang-diin ni National Authority for Child Care Undersecretary at Executive Director Janella Estrada ang kahalagahan ng aktibidad na ito na aniya ay hindi lamang basta forum kundi mahalaga ang pag-uusapan upang maiparating sa bawat lgus ang kanilang mandato at programa.
Kabilang na dito ang domestic adoption procedures, inter-country adoption, alternative child care, trafficking in persons in relation to children, at child-friendly local governance audit.
Sinabi pa ni USec Estrada na tinatarget na makamit ng National Authority for Child Care ay ang pangalagaan ang kapakanan at karapatan ng mga bulnerableng kabataang Pilipino.
Ibinunyag pa nito na mula nang maitatag ang ahensya,tumaas pa ang legal na pag-aampon kaysa dati.
Aniya, noon ay 10 legal adoptions lamang ang nangyari kada taon, ngunit noong nakaraang taon, nakapagproseso pa sila ng mahigit 500 legal adoptions.
Hinihimok naman nito ang publiko na suportahan ang legal na proseso ng adoption.