-- Advertisements --
Duterte family
Duterte Family

TOKYO – Ikinagulat ng marami sa mga dumalo sa Filipino community meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Japan nang si Ms. Honeylet Avanceña, ang kanyang live-in partner ang nagpapakilala sa kanya bago magbigay ng talumpati.

Magugunitang karaniwan ng miyembro ng gabinete o pinakamataas na opisyal ng gobyerno ang nagbibigay ng introduksyon kay Pangulong Duterte bilang pangunahing speaker o magbibigay ng mensahe.

Bago ipinakilala ang pangulo, nagbigay din ng mensahe si Ms. Avanceña kaugnay sa karanasan nito bilang dating overseas Filipino worker (OFW) sa Estados Unidos.

Dito ay naikwento ni Avanceña ang naranasang sakripisyo at kalungkutang malayo sa mga minamahal sa buhay sa Pilipinas, gaya ng pinagdaraanan ng ibang OFWs.

Kaya labis daw ang respeto at pagkilala ni Avanceña sa mga OFWs na mga bayani at hinahangaang manggagawa sa abroad.

Sa kauna-unahang pagkakataon din, ipinakilala ni Pangulong Duterte si Avanceña bilang “First Lady.”

Si Pangulong Duterte ay matagal ng “annuled” sa nauna nitong asawa na si Elizabeth Zimmerman, nanay nina Davao City Mayor Inday Sara, Congressman-elect Paolo at Baste Duterte pero hindi pa ikinakasal kay Avanceña kung saan ito may anak na si Kitty.