Mahigit 2,100 barangay ang nanganganib sa pagbaha at pagguho ng lupa habang papalapit ang Bagyong Marce sa kalupaan ng Pilipinas.
Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, vulnarable dito ang mga barangay sa Ilocos Region, Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.
Ang mga naturang lugar na madaling maapektuhan ay karaniwang malapit sa mga bundok o mga rehiyon sa baybayin. Ang mga bulubunduking lugar ay madaling tamaan ng pagguho ng lupa habang ang mga malapit sa baybayin ay madali namang tamaan ng baha.
Ilan naman sa mga pangunahing ilog na nangangailangang subaybayan ay ang Cagayan River Basin, gayundin ang mga ilog ng Abra, Laoag at Vintar.
Samantala, inaasahang tatahakin ng bagyong Marce ang direksiyon patungo sa Northern Luzon at posibleng mag-landfall sa Babuyan Islands nitong gabi ng Huwebes o Biyernes ng umaga.