-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Target ngayon ng Municipal Tourism Office ng Malay, Aklan ang 2.2 milyon na tourist arrival sa isla ng Boracay para sa taong 2020.

Naniniwala ang pamunuan ng tanggapan na kaya nilang abutin ang nasabing bilang kumpara sa nakalipas na taon dahil kakabukas lamang ng Boracay mula sa anim na buwang rehabilitasyon at limitado pa ang pagtanggap ng mga bisita.

Batay sa 2019 na record, umabot sa 2,034,599 ang tourist arrival sa tanyag na isla.

Nanguna rito ang China na nakatala ng 434,175; pumangalawa ang bansang Korea na umabot sa 400,610 at pumangatlo ang Taiwan na may bilang 30,634.

Kabilang sa top 10 tourist arrivals sa isla ang mga turistang mula sa bansang US, UK, Australia, Russia, Japan, Saudi Arabia at Germany.

Samantala, napako naman sa 380 hotels and resorts na may kabuuang 14,038 rooms ang accredited ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) na tumanggap ng mga bookings and accommodations.

Maalalang naghigpit ang gobyerno sa mga polisiya matapos na isinailalim ang isla sa rehabilitasyon lalo na sa carrying capacity dahil sa usaping pangkalikasan.