Buhos pa rin ang pagdating sa bansa ng mga bakuna laban sa COVID-19 makaraang panibagong dumating ang nasa halos tatlong milyon na mga vaccines.
Ito ay matapos dumating ang nasa 2,132,140 doses ng vaccine na Moderna at umaabot naman sa 661,100 doses ng AstraZeneca.
Kabilang sa sumalubong sa NAIA ay sina National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr. at Health Secretary Francisco Duque III.
Sinasabing ang pagdating ng dagdag na mga bakuna ay bahagi ng “A Dose of Hope” program ng Go Negosyo.
Ang nasa 747,860 doses kasi ay binili ng private sector.
Kaugnay nito lumakas naman ang loob ni Sec. Duque, na mababakunahan ang 95 milyong Pilipino lalo na at aabot sa 197 million doses ng bakuna ang inaasahang maihahatid sa Pilipinas.
Nilinaw naman ni Sec. Galvez na sa ngayon wala naman silang natatanggap na pressure mula sa mga local government units kaugnay sa pamamahagi ng mga bakuna.
Binigyang diin ni Galvez na walang kulay politika at pantay-pantay ang distribusyon nila ng suplay ng bakuna sa iba’t ibang mga probinsiya sa bansa.