Balik na sa kani-kanilang trabaho sina AFP Intelligence Chief J2 MGen. Alex Luna at Civil Military Operations J7 chief MGen. Benedict Arevalo matapos matanggap ng pamunuan ng AFP ang memorandum mula sa Department of National Defense na sila ay pinababalik sa kanilang pwesto matapos mapatunayan na walang direct involvement ang dalawang heneral sa paglathala ng unvalidated red tag list.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay AFP chief of staff General Cirilito Sobejana, kaniyang sinabi na epektibo noong Miyerkules nag-report na sa kani-kanilang opisina sina Luna at Arevalo.
Mahigpit ang bilin ni Sobejana sa dalawa na ayaw na nitong maulit na may mga unvalidated reports na lalabas sa publiko.
“Yung memorandum ibinaba ng Department of National Defense (DND) sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para ma re-designate si MGen. Luna sa J2 at MGen. Arevalo as J7 so we have to follow that memorandum order at effective yesterday sila ay nakabalik na sa kanilang mga pwesto,” pahayag ni Sobejana sa Bombo Radyo.
Ang pagkakasibak sa pwesto kay Luna ay dahil sa paglathala ng kontrobersiyal red tag list kung saan may mga estudyante ng UP ang mga nasa listahan o ‘di kaya napatay sa military operation.
Si Arevalo naman ay kusang bumaba sa kaniyang pwesto.
Una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, dahil sa napatunayang walang kasalanan ang dalawang heneral ay ni-reinstate nito ang dalawa sa kanilang pwesto.
Sa kabilang dako ayon naman kay Sobejana, inamin nina Luna at Arevalo na mayroon silang natutunan sa nasabing kontrobersiya.
“Alam mo Anne, sila mismo ang nagsabi na “we really learned lessons from those mistakes Sir,” Itong pagbalik nila sa pwesto hindi nangyari kung hindi sila nabigyan ng reprimand, so they were reprimanded,” giit ni Sobejana.
Siniguro naman ni Sobejana na mananagot ang mga sundalo sakaling ulitin ng mga ito ang nasabing pagkakamali.
“Mayruon tayong sinusunod na polisiya, mayruon tayong Articles of War, organizational policies, memorandum circular and directives, our actions are guided by those policies, palaging kong sinasabi Anne, ginagawa namin yung aming trabaho in accordance with the exsiting laws and regulation,” pahayag pa ni Sobejana.