Sinuspendi ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang 2 airport policemen matapos na iligal na pagdaan sa may EDSA bus carousel lane at nakipagtalo sa MMDA enforcer.
Sa isang statement, sinabi ni Deparment of Transportation (DOTr) na nag-ugat ang komprontasyon nang mahuli ang airport police car na dumaan sa may northbound bus lane nitong hapon ng linggo.
Tumanggi naman ang driver ng police car na ibigay ang kaniyang lisensiya at tinangka pang hablutin ang cellphone ng MMDA enforcer nang subukan nitong i-record ang kanilang naging sagutan.
Binigyang diin naman ni MIAA Acting General Manager Eric Ines na hindi nila kukunsintihin ang ganitong klase ng pang-aabuso at tinawag na nakakahiya ang naging aksiyon ng airport policemen na dapat aniyang matigil.
Kaugnay nito, sinabi ng MIAA official na magsasagawa sila ng imbestigasyon sa naturang insidente.
Paulit-ulit na paalala ng DOTr na tanging ang mga bus at sasakyan ng Philippine National Police at emergency vehicles ang pinapayagang dumaan sa kahabaan ng EDSA busway lane.
Gayundin kabilang ang sasakyan ng government officials gaya ng Pangulo, Vice President, Chief Justice, House speaker, at Senate President.