-- Advertisements --

Dalawang Amerikanong nahatulang sex offenders ang hindi pinayagang makapasok sa bansa, ayon sa Bureau of Immigration (BI) nitong Lunes, Abril 14.

Kinilala ng BI ang mga banyaga na sina Jeremy Paul Beazer, 45, at Michael Antonio Rios, 54. Sila ay na-intercept sa Clark International Airport noong Abril 8 at 4, at agad na pinabalik sa kanilang pinanggalingang bansa.

Ayon sa BI, nahatulan si Beazer ng korte sa US noong 2001 dahil sa pakikipagtalik sa isang menor de edad na wala pang 12 taong gulang, habang si Rios, na ipinanganak sa Nicaragua, ay nahatulan noong 1989 sa kasong sexual assault ng isang bata.

Matapos tanggihan ang kanilang pagpasok, inilagay ang dalawa sa immigration blacklist, na permanente nang nagbabawal sa kanilang muling makapasok sa Pilipinas.

Paliwanag ni BI Commissioner Joel Anthony Viado, layon ng ahensya na protektahan ang mga kababaihan at kabataan sa bansa mula sa mga convicted sexual predators.

Pinaalalahanan din ni Viado na ang Philippine Immigration Act ay tahasang nagbabawal sa pagpasok ng mga dayuhang may kasong may kaugnayan sa moral turpitude o mabigat na imoralidad. (report by Bombo Jai )