BACOLOD CITY – Tumaas pa ang bilang ng patay dahil sa dengue sa Bacolod City ngayong taon.
Sa pinakahuling data mula sa Bacolod City Health office, umabot na sa tatlo ang patay dahil sa dengue sa lungsod mula Enero at pawang menor de edad ang mga ito.
Pinakahuli sa mga namatay ay isang dalawang taong gulang na paslit mula sa Barangay Granada na namatay sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital noong Hunyo 24.
Maliban dito, isa ring 13-anyos na lalaki mula sa Barangay Tangub ang namatay noong Hunyo 4; at isang 13-anyos na babae ang binawian ng buhay dahil sa dengue sa Barangay Handumanan noong Enero 23.
Ayon sa monitoring ng CHO, umabot na sa 477 ang dengue cases sa Bacolod mula January 1 hanggang June 22.
Ito ay mas mataas ng 65 percent kung ikompara sa parehong period noong taong 2018.
Mula sa 61 barangays sa lungsod, nangunguna ang Barangay Estefania sa may pinakamaraming dengue cases na umabot sa 56, pangalawa ang Barangay Tangub na may 35, at pangatlo ang Barangay Pahanocoy at Taculing na may tig-31.