-- Advertisements --
BACOLOD CITY – Hindi na naisalba pa ang dalawang taong gulang na paslit matapos malunod sa pozo negro sa Salvador Benedicto, Negros Occidental.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Bacolod, naghukay ng pozo negro ang pamilya Castillo sa Barangay Igmayaan kahapon ngunit pinasukan ito ng tubig kasabay ng malakas na pag-ulan.
Kinahapunan, natuklasan na lamang ng pamilya na lumulutang na sa pozo negro ang biktimang si Jake Castillo.
Dinala pa ito sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital ngunit idineklarang patay.
Ayon sa pamilya, maaaring lumundag sa tubig ang paslit kaya nalunod.
Sa kabila nito, inaalam pa kung aksidenteng nahulog sa hukay ang bata na hindi namalayan ng kanyang mga magulang.