-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Grupo ng liquidation squad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang itinurong namaril patay sa dalawang aplikante ng Philippine Army sa probinsya ng Maguindanao.

Nakilala ang mga biktima na binawian ng buhay na sina Celso Kusain II, 25 anyos, binata, nakatira sa Sitio Talisay, Brgy, Pob 1, Parang Maguindanao at Glenn Mark Anthony Jumadiao, 23, binata,at residente ng Brgy. Sarmiento, Parang. Maguindanao.

Ayon kay Maguindanao police provincial director Colonel Ronald Briones na habang lulan ang mga biktima sa isang motorsiklo na nanggaling sa kampo ng militar at pauwi na sa kanilang tahanan.

Ngunit pagsapit nila sa Brgy Rebuken, Sultan Kudarat Maguindanao ay bigla silang dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre,45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Sultan Kudarat.

Patay on the spot ang mga biktima na kapwa nagtamo ng tama ng bala sa kanilang ulo.

Matatandaan na maraming mga sundalo na ang pinatay ng liquidation squad ng BIFF sa Maguindanao.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Sultan Kudarat Maguindanao PNP sa pagpaslang sa mga biktima.