LAOAG CITY – Matagumpay na naisagawa ang dalawang araw na Balikatan Exercise ng Armed Forces of the Philippines at United States Armed Forces sa Brgy. Lapaz dito sa lungsod ng Laoag lalawigan ng Ilocos Norte.
Ito ang masayang inihayag ni Col. Xerxes Trinidad, ang Public Affairs Office ng Armed Forces of the Philippines.
Aniya, ang Armed Forces of the Philippines ay isa sa mga paraan kung saan pinoprotektahan ang Pilipinas.
Sabi nito, sa pagsasanay mula sa iba’t ibang lugar sa bansa tulad ng Batanes at Palawan, maaaring maging handa ang mga mamamayan sakaling magkaroon ng masasamang intensyon.
Ipinaliwanag niya na sa ikalawa at huling araw ng Balikatan Exercise sa lalawigan, nagsagawa ng maritime strike kung saan ipinakita ang paggamit ng mga kakayahan ng air component, land component at naval component.
Napili ang Brgy. Lapaz dito sa Laoag City dahil nakikita nila ito bilang isang magandang training environment para sa Balikatan Exercise.
Una rito, nagsagawa ng counter-landing drill para ipakita ang kakayahan ng dalawang pwersa na hadlangan ang anumang banta sa seguridad sa bansa.
Samantala, sinabi ni Lt. Col. Omar Al Assaf ng United States Armed Forces na ang Balikatan Exercise ay hindi containment strategy na salungat sa mga sinasabi ng China.
Aniya, tungkulin nilang protektahan ang bansa at kung may giyera man o wala ay dapat silang magsagawa ng katulad na pagsasanay.
Dagdag pa niya, isang magandang pagkakataon para sa kanila na makasama ang Philippine Army, Philippine Air Force, Philippine Navy at Armed Forces of the Philippines sa isang kakaiba at makasaysayang aktibidad.