CAUAYAN CITY- Isasailalim sa dalawang araw na pagsasara ang ilang bahagi ng pribadong pamilihan ng lungsod matapos makapagtala ng apat na kaso ng COVID 19 sa naturang pamilihan.
Batay sa inilabas na executive order number 72-2020 ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan, magsisimula ang lockdown ngayong hatinggabi at matatapos sa hatinggabi ng October 11, 2020.
Layunin ng naturang lockdown na mapadali ang contact tracing na isasagawa ng pamahalaang lungsod kaugnay sa mga nakasalamuha ng COVID-19 positive sa pamilihan at para makapagsagawa na rin ng disinfection.
Nilinaw pa ng pamahalaang lungsod ng Cauayan na hindi buong primark ang isasara kundi ang mga nasa wet section at dry goods section lamang.
Hindi umano kasali sa mga isasara ang mga malalaking establishemento sa harapan nito tulad ng isang grocerya, at fast food chain.
Ayon sa pamahalaang lungsod, magdedepende pa rin sa contact tracing na isasagawa ng City Health Office kung mapapalawig ang pagsasara ng pribadong pamilihan.
Kaugnay nito ay pinayuhan naman ng lokal na pamahalaan ang mga mamamayan na mamili muna ng mga pangunahing pangangailangan sa mga nagtitinda sa labas ng pelengke.