BAGUIO CITY – Nahaharap sa kasong falcification of public documents ang dalawang kalalakihan matapos mahuli ang mga ito sa isinagawang entrapment operation kahapon sa isang computer shop dito sa Baguio City dahil sa paggawa at pagbebenta nila ng mga pekeng travel authority at medical certificates.
Kinilala ni Baguio City Police Office (BCPO) City Director Police Col. Allen Rae Co ang mga nahuling sina Ace Dicca, 25, may-ari ng computer shop at Wilfred Pinyuhan, 22, computer shop attendant.
Isinagawa ang operasyon sa T. Alonzo Street, Baguio City sa pamamagitan ng entrapment operation matapos makatanggap ng tip ang mga pulis ukol sa modus operandi ng mga suspek na nagsimula pa noong nakaraang buwan.
Nagpanggap na mga kustomer ng Play Grounds Computer Shop ang apat na operatiba ng pulisya at doon sila nagpagawa ng tig-isang medical certificate, travel authority at health declaration form sa halagang tig-50 bawat dokumento o kabuuang P600.
Nakalagay sa lagda ang pangalan ni Police Col. Co at ang Medical Officer IV ng Baguio City Health Office.
Nakumpiska rin mula sa operasyon ang mga computer set na ginagamit sa modus at ang ginamit na marked money.
Maaalalang sa implementasyon ng General Community Quarantine sa buong Cordillera ay kailangang magpakita ng Medical Certificate at Travel Authority sa mga border checkpoints kung papasok ng Baguio City.