-- Advertisements --

LA UNION – Arestado ang isang jeepney driver kasama ang pahinante nito matapos madiskubre ng mga otoridad na may karga silang iba’t ibang uri ng lumber na walang papeles, dahilan upang ikonsidera itong illegal logs.

Hinuli sa isinagawang “Oplan Sita” ng Burgos Police Station sa Brgy. Caoayan, Burgos, La Union matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen.

Nakilala ang mga suspek na sina Benjie Aberin, 43, driver ng jeep, residente ng nasabing lugar; at Virgo Dinangan, 28, binata, residente ng Old Poblacion, Burgos, La Union.

Kinumpiska ng mga otoridad ang 275.85 bd. ft. ng mahogany tree at 98 bd. ft. ng gemilina tree, na tinatayang nagkakahalaga lahat ng P3,000.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 705 o “Revised Forestry Code of the Philippines.”

Samantala, ang mga kinumpiskang illegal logs ay isinailalim sa custodiya ng Burgos Police Station.