CENTRAL MINDANAO-Lumikas ang mga sibilyan nang magkasagupa ang dalawang armadong pamilya sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang sugatan na sibilyan na si Akmad Baraguir na tinamaan ng mga ligaw na bala.
Ayon kay Midsayap Chief of Police,Lieutenant Colonel Benito Rotia na muling nagka-engkwentro ang mga armadong tauhan ni Mama Macalimbol at pamilyang Duluan sa Brgy Tumbras Midsayap North Cotabato.
Dahil sa takot ng mga sibilyan ay lumikas ito patungo sa mga ligtas na lugar sa pangambang maipit sa gulo.
Pawang mga armado ng mga matataas na uri ng armas ang pamilyang Macalimbol at Duluan na mga myembro umano ng kilalang Moro Fronts.
May matagal nang alitan ang dalawang grupo dahil lamang sa away sa pulitika at agawan sa lupa ng kanilang sinasaka.
Mabilis namang nagresponde ang mga tauhan ng 34th Infantry Battalion Phlippine Army at Midsayap PNP sa Brgy Tumbras.
Ayaw tumigil ng dalawang grupo kaya pinaputukan sila ng limang bala ng 81 mm mortar ng 34th IB kaya napilitan itong umatras.
Ilan sa mga lumikas ay bumalik na sa kanilang tahanan ngunit tuwing gabi ay bumabalik sila sa evacuation center.
Matatandaan na bago sumapit ang halalan ay nagkasagupa rin ang dalawang pamilya at maraming sibilyan ang lumikas.
Sa ngayon ay patuloy na hinahanapan ng solusyon ng mga lokal na opisyal at mga otoridad para resolbahin ang alitan ng dalawang pamilya.