-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Kinumpirma ng militar ang pagsuko ng dalawang armadong suporter ng Maute-ISIS Group sa Barangay Matitikop, Tubaran, Lanao del Sur.

Sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni 103rd Infantry Brigade Commander Brigadier General Romeo Brawner, Jr. na bitbit ng mga ito sa kanilang pagsuko sa 55th Infantry Battalion ang dalawang 45 caliber na pistola at mga bala.

Inihayag umano ng mga nag-surender na sila ang nagbibigay ng suplay sa grupo sa napatay’ng Local Terrorist Group leader na si Owayda Marohombsar alyas Abu Dar.

Si Abu Dar at tatlo nitong kasamahan ang napatay ng militar sa mainit na bakbakan sa Barangay Dinaigan, Tubaran, Lanao del Sur.

Ayon kay Gen. Brawner na malaki ang naitulong ni Tubaran Mayor Khaledyassin Papandayan sa pagsurender ng mga suporter ng Maute-ISIS dahil naki-isa ito sa kanilang kampaniya laban sa terorismo.

Nauna rito, kinompirma rin ng opisyal ang pagkahuli sa iilang recruiter ng Maute-ISIS group sa Lanao del Sur.