CENTRAL MINDANAO – Nagsilikas ang mga sibilyan matapos ang pag-atake ng mga armadong grupo sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay 601st Brigade deputy commander Col. Joel Mamon, sinalakay ng Dawlah Islamiya terror group ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang mga detachment ng 57th Infantry Battalion Philippine Army sa Barangay Elian at Brgy Salbo, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao.
Agad itong natunugan ng mga sundalo nang gumanti ng putok sa mga rebelde.
Nagdulot ng takot sa mga sibilyan ang magkasabay na pagsalakay ng BIFF sa posisyon ng militar kaya agad itong lumikas patungo sa mga ligtas na lugar.
Umatras naman ang mga rebelde nang paputukan sila ng militar gamit ang 81mm mortar.
Walang nasugatan sa mga sundalo habang tatlo naman ang napaulat na nasawi sa panig ng BIFF.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng 57th IB laban sa BIFF sa Datu Saudi Ampatuan.