CAUAYAN CITY – Umabot sa 25 na atleta na lumahok sa katatapos na 2019 Ayala Philippine Athletics Championship (APAC) ang nakapasa sa qualifying standard para makapaglaro sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games na gaganapin sa bansa sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11, 2019.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Edward Kho, Event Presentation Director ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na madadagdagan pa ang mga qualifers dahil marami pa silang gagawing qualifying event at nagsimula lamang ito sa 2019 APAC.
May mga nagwagi ng gold medal sa athletics sa APAC ang hindi makakapaglaro sa SEA Games dahil hindi umabot sa qualifying standard ang kanilang naitalang record.
Samantala, dalawang atleta ang tinanghal na Most Valuable Player (MVP) dahil sa napanalunan nilang maraming gintong medalya.
Sila ay sina Fil-American Kristina Knott at John Albert Mantua ng Team Mandaluyong City.
Ang 23-anyos na si Knott ay nagwagi ng gold medal sa women’s 100m, 200m, 4×100 relay at 4x400m relay.
Nanghihinayang si Knott makaraang muntik na mabasag ang record ni Asia’s sprint queen Lydia De Vega sa 200m run.
Nagtala si Knott ng 23.63 seconds kumpara sa record ni De Vega na 23.35 seconds.
Samantala, si Mantua, 25 anyos na tubong General Santos City ay nanalo ng gold medal sa discuss throw, shotput at hammer throw.
Sinabi nina Knott at Mantua na labis silang natutuwa dahil hindi nila inasahan na tatanghalin silang MVP sa APAC.
Bukod kina Knott at Mantua ay dinomina rin nina track star Eric Shaun Cray at Robyn Brown ang kanilang mga events.
Nagwagi si Cray ng gold medal sa men’s 200m sa bilis na 21.92 segundo at 4×100 relay habang dalawang ginto ang napanalunan ng 24-anyos na si Robyn Brown sa women’s 4x400m relay at mixed 4x400m relay.
Umaasa ang pamunuan ng PATAFA na makakarami ng gintong medalya ang mga atletang Pinoy sa 48 events sa track and field sa 2019 SEA Games.
Sa closing ceremony kagabi ng 2019 APAC ay sinabi ni PATAFA President Dr. Philip Ella Juico na matapos ang APAC ay magiging abala na sa kanilang pagsasanay ang mga atletang na-qualify na maglaro sa SEA Games.
Nauna nang inihayag ni Juico naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan na kontento siya sa performance ng mga atletang Pinoy
Masaya siya dahil sa loob ng 10 taon ay nabasag ni Filipino-Am Nathalie Uy ang record sa pole vault na nagtala ng 4.12m at nahigitan ang record na 4.11 meter.
Lubos na nagpapasalamat si Juico sa mga lokal at dayuhang atleta na lumahok sa APAC at sa City of Ilagan Government sa muling pag-host sa APAC.
Pinuri niya ang magandang serbisyo at hospitality na ibinigay ng LGU Ilagan City sa lahat ng mga lumahok sa APAC.