-- Advertisements --
Davao sports complex Palaro
Davao sports complex, venue of Palarong Pambansa 2019 (photo from FB)

DAVAO CITY – Agad na dinala sa ospital ang isang atleta na kabilang sa Palarong Pambansa 2019 matapos na mabagok ang ulo nito sa semento at isa pa ang nadala rin sa pagamutan.

Ang unang atleta ay nakilalang si alyas Dafnie, 17, estudyante ng Special Education (SPED) at participant sa special blind running event mula sa Northern Mindanao.

Sakay ang biktima ng school bus papuntang Calinan Central Elementary School at pagbaba nito ay nahulog sa maliit na kanal na malapit sa gate.

Nasa mabuting kalagayan na ito matapos na isinugod sa Southern Philippines Medical Center (SPMC).

Samantala dinala rin sa ospital ang isa pang atleta na nakilalang si alyas Key, 17, isang wushu player at estudyante ng Baloi National High School sa Lanao del Norte matapos makaranas ng pananakit sa kanyang katawan dahilan kaya nahirapan itong makagalaw.

Parehong nasa maayos na ang kalagayan ng mga atleta at aasahan na babalik ang kanilang lakas bago ang opening ng Palarong Pambansa sa Linggo, Abril 28, 2019.

Sinabi naman ni retired police Lt. Col. Angel Sumagaysay, deputy head sa Public Safety & Security Command Center, na nakahanda na ang mahigit 3,500 na mga miyembro ng otoridad para masiguro ang kaligtasan ng mga atleta.

Mahigpit din na ipapatupad ang curfew sa bawat billeting quarters para matutukan ang kaligtasan ng mga atleta.