Tiniyak ngayon ng mga organizers ng Palarong Pambansa 2024 na sapat ang kanilang mga medical personnel at may mga doctor na itinalaga sa bawat billeting quarters nitong lungsod ng Cebu.
Ito ang ibinunyag ni Department of Education Assistant Secretary Francis Bringas sa isinagawang presscon kanina, Hulyo 8, matapos napaulat na tinamaan ng dengue fever ang dalawang atleta na lalahok sa naturang sporting event.
Nagmula pa sa Cordillera Administrative Region ang isa sa mga ito kung saan dinala sa pagamutan simula pa noong Biyernes at kasalukuyang nagpapagaling.
Kinumpirma pa ng health official ng lungsod na stable na ang kondisyon ng dalawang atleta at binigyang-diin na tanging fully recovered lamang na mga atleta ang papayagang makalahok sa sporting event.
Sinabi naman ni Bringas na nakikipag-ugnayan na sila sa City health department upang matukoy kung sa home region ba ito nakuha ng mga atleta ngunit dito lang nagmanifest.
Aniya, nagrequest na rin umano sa lungsod ang mga regional delegates na magsagawa ng fogging sa mga lugar kung saan may naitalang kaso ng dengue.
Samantala, idinagdag naman ni Cebu City Schools Division Supt. Dr. Adolf Aguilar na siniguro umano nilang malinis ang mga billeting quarters,may mga screen na nilalagay sa mga classrooms, at naglaan ng sapat na suplay sa tubig para sa hygiene ng mga atleta.
Dagdag pa ni Aguilar na may mga inilaan naman umanong express lanes para hospitalization ng mga atleta at wala naman umanong babayaran.
“In terms of hospitalization, we provide express lanes at the Cebu City Medical Center and at the Vicente Sotto MemorialMedical Center for free, ” ani Aguilar.