-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Kinumpirma ni Police Staff Sergeant Dennis Perez ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Loreto, Surigao del Norte,na matagumpay na nailigtas ang dalawang Australian national at tatlong Pinoy na una nang nawala sa karagatang sakop ng Southern Leyte at Dinagat Islands.

Kinilala ng opisyal ang mga nailigtas na sina Grayham David Hasting at Donald Cox, parehong 60-anyos; at ang mga Pinoy na sina Jay-ar Adanza, 19; Secerio Adanza, 40; at ang motor banca operator na kanilang sinakyan na si Michael Samatima, pawang taga-Barangay Tahusan sa Hinunangan, Southern Leyte.

Ayon kay Perez, patungo sana sa Dinagat Islands ang mga biktima upang mangisda ngunit pagsapit sa karagatan sa pagitan ng Hinundayan, Southern Leyte at ng Loreto, Dinagat Island, ay hinampas sila ng naglalakihang alon na hatid ng Bagyong Egay, sanhi ng kanilang pagtaob.

Kaagad inilunsad ang pinagsanib na search and rescue operation ng mga tauhan ng PCG ng dalawang lalawigan at dito nila matagumpay na naligtas ang mga biktima sa karagatan sa bayan ng Silago, Southern Leyte.

Sa ngayon ay nakabalik na sa kani-kanilang tahanan ang mga survivor matapos sumailalim sa medical examination.