-- Advertisements --

BANGKOK – Ginawaran ng royal honour mula kay King Maha Vajiralongkorn nitong araw ang dalawang Australian cave divers na malaki ang naiambag sa rescue noong nakaraang taon sa 12 binatang Thai at kanilang soccer coach mula sa isang binahang kuweba.

Hunyo 23, 2018 nang ma-trap ang “Wild Boars” soccer team, na may edad mula 11 hanggang 16, at kanilang 25-anyos na coach matapos na maglilibot sa loob ng kuweba sa northern province ng Chiang Rai nang bigla na lamang tumaas ang tubig dahil sa matinding buhos ng ulan.

Inabot ng 17 araw ang rescue operation, na pinagtulungan ng iba’t ibang volunteers mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Kabilang sina Richard Harris at Craig Challen sa main rescue team, na binubuo ng 13 foreign divers at limang Thai navy divers, sa mga nagligtas sa mga binata at kanilang coach.

Dahil sa kanilang kontribusyon, ginawaran sila ngayong araw ng Most Admirable Order of the Direkgunabhorn sa Government House ng Bangkok bago nakipagkita kay Prime Minister Prayuth Chan-ocha sa kanilang unang biyahe pabalik ng Thailand pagkatapos ng isinagawang rescue operation.

Samantala, tutungo sina Harris at Challen sa Chiang Rai at Tham Luang cave sa Lunes para makipagkita sa kanilang mga iniligtas.