CAGAYAN DE ORO CITY – Napasakamay na ng mga elemento ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) at Criminal Investigation and Detection Group ng Northern Mindanao ang dalawang babae na pinaghihinalaang kasabwat ng Fajardo Criminal Gang na napatay sa isang shootout sa loob ng isang highend subdivision, Brgy Lumbia, lungsod ng Cagayan de Oro kagabi.
Kinilala ni Police Major Evan Viñas, tagapagsalita ng Cagayan de Oro City Police Office ang dalawang babae na sina Irish at Michelle Manaig.
Inaalam rin ng CIDG kung ano ang relasyon ng dalawang babae sa issuing judge sa kaso ng Fajardo Criminal Gang na si 4th Judicial Region- Municipal Circuit Trial Court Presiding Judge Michelle Manaig-Calumpong mula sa Tanauan City, Batangas.
Nitong gabi ng Huwebes, napatay sa engkwentro ang kilabot na lider ng Fajardo Group na si Marvin, isang alyas Adrian, at Andrew Valdez Redondo.
Si Fajardo at Redondo ang sisilbihan sana ng search warrant ng NCRPO at Batangas-PNP, kasama elemento ng CIDG-10 at COCPO, subalit pagpasok pa lang ng issuing team at kaagad silang sinalubong ng putok sa kampo ni Fajardo.
Narekober sa crime scene ang dalang 45 kalibre pistol, isang magnum 357, at maraming bala.
Nakuha rin sa loob ng kwarto ng napaslang nga lider ang sari saring IDs na iisang mukha subalit iba’t iba ang mga pangalan.
Iginiit ng pulisya na isang lihitimong operasyon ang naganap kagabi.
Wala namang sugatan sa kampo ng mga pulisya.
Napag-alaman nga maliban sa kasong direct assualt, nahaharap rin ang nasabing grupo sa kasong, murder, highway robbery, pagbebenta ng druga at extortion sa Tanauan City, Batangas.