-- Advertisements --

DAVAO CITY – Patay ang dalawang babae sa loob ng silid na kanilang tinutulugan sa may Prk.1, Brgy.2-A, sa lungsod ng Davao.

Sa ulat ng mga otoridad, hinihinalang nangyari ang krimen kaninang madaling araw sa ikalawang palapag ng isang lumang bahay na inuupahan ng suspek na si Marcial Gonzalez, 52-anyos na trabahador sa gulayan ng Magallanes, Brgy. 2-A sa Davao City.

Sa karagdagang imbestigasyon na isinagawa ng mga imbestigador ng San Pedro PNP, kinilala ang mga biktima na sina Jessel Joy Casantao Indoy, 15-anyos, at Cora Oral Ansagit, 20-anyos, na kaparehong residente ng Purok 10, Sitio Patagi, Datu Salumay, Marilog District, Davao City.

Ayon sa mga kapitbahay, pasado alas-sais kaninang umaga, bumaba ang suspek mula sa itaas na bahagi ng bahay na kanyang inuupahan, at umamin sa krimen, habang sinasabing tumawag sila sa 911 dahil siya ang pumatay sa mga biktima.

Samantala, ayon kay Brgy. Kapitan Carlos Garcia, walang record ang suspek sa barangay, ngunit aminado itong umiinom ito ng inuming makalasing at may mga pagkakataong nag-aamok ito ng away lalo na kung may alitan ito sa mga kaibigan o kainuman.

Sa ngayon, ipinoproseso na ng mga kaanak ang bangkay ng mga biktima.

Naaresto na ng mga otoridad ng joint forces ng RMFB11, San Pedro PNP at Digos PNP ang suspek.

Sa ulat ng mga otoridad, umuwi kaagad sa Kapatagan, Digos ang suspek na si Marcial Gonzales matapos ang ginawang krimen.

Nahuli ito kaninang hapon sa Bus Terminal matapos magsagawa ng drag net operation at dinala sa Digos PNP.

Habang isiniwalat din ni PMaj. Marvin Hugos, Station commander ng San Pedro PNP na hindi na narekober sa crime scene ang patalim na ginamit ng suspek sa nasabing krimen.