KORONADAL CITY – Nakatakdang sampahan ng kasong large scale estafa ang dalawang scammer na naaresto ng National of Bureau of Investigation (NBI)-12 sa South Cotabato.
Sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay NBI-12 director Olivo Ramos, kinilala ang mga suspek na sina Sheryl Nemitra at Maria Ruby Garcia na dati na ring may mga kinakaharap na kaso sa panloloko at pangungulimbat ng milyon-milyong halaga ng pera sa kanilang mga biktima.
Napag-alaman na huling nagsampa ng reklamo ay ang isang negosyante mula sa Davao City na nahikayat umano ng dalawa na mag-invest ng P3 million para sa isang government project sa Sultan Kudarat.
Gayunman, natuklasan ng investor na walang katotohanan ang sinasabing proyekto ng mga suspek.
Dagdag pa nito na iba’t-ibang paraan din ang ginagamit ng dalawang babae upang makapanloko kung saan hindi lamang sila nag-o-operate sa South Cotabato at Lungsod ng Davao kundi pati na rin sa iba pang mga lugar sa Rehiyon 12.
Hinimok naman ni Ramos ang iba pang mga nabiktima ng mga suspek na dumulog sa kanilang tanggapan upang pormal na makapagsampa ng kaso.