(Update) Patuloy na umanong tinutugis ng miltar ang dalawang babaeng suicide bombers na siyang target ng apat na sundalong napatay ng mga pulis sa Jolo, Sulu.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni Western Mindanao Command (WestMinCom) Chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana na ang isa sa mga babaeng suicide bomber ay asawa ng kauna-unahang Pilipinong suicide bomber na si Norman Lasuca.
Si Lasuca ang responsable sa Sulu blast na ikinamatay ng pitong katao noong nakaraang taon.
Sinabi ni Sobejana na ang hakbang ng asawa ni Lasuca ay para maipagpatuloy ng mga local terrorist ang kanilang panggugulo rito sa bansa lalo na sa Mindanao.
Sa nakalap daw nilang impormasyon, target ng mga suicide bomber na magpasabog sa mataong lugar sa Sulu.
Pero tiniyak naman ng heneral na hindi magtatagumpay ang plano ng mga terorista dahil nakaalerto palagi ang militar para pigilan ang mga terorista.