-- Advertisements --

Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang paglagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa pagsasabatas ng panukalang Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Law. 

Ayon kay Speaker Romualdez ang pagbibigay ng proteksyon sa pinag-aagawang teritoryo na malinaw na nasa loob ng 200-mile special economic zone ng Pilipinas ay hindi lang usapin ng pambansang pagkakakilanlan ngunit isyu rin ng ekonomiya, seguridad sa pagkain at mahalagang legasiya ng bansa.

Batay na rin sa mga pagtaya at mga pag-aaral mayroon malawak na yamang dagat at naka-imbak na langis sa WPS na dapat nating pahalagahan upang pakinabangan ng mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

Ayon kay Speaker Romualdez ang dalawang bagong batas ay magpapadala ng senyales sa mga karatig bansa ng Pilipinas na handa itong protektahan ang ating teritoryo.

Pinasalamatan ni Speaker Romualdez ang hindi natitinag na paninindigan ni Pangulong Marcos na depensahan ang interes ng bansa sa pinagaagawang teritoryo.

Ang dalawang bagong batas ay tumatalima sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), na kumikilala sa 200-mile exclusive economic zone ng Pilipinas at nagpapahintulot na magpasa ng mga pambansang lehislasyon para maprotektahan ito.

Ang Pilipinas at China ay kapwa lumagda sa UNCLOS.

Pagtitibayin din, ani Speaker Romualdez ng Maritime Zones Law at Archipelagic Sea Lanes Act ang July 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration na kumikilala sa EEZ ng Pilipinas sa UNCLOS at pagbasura sa pag angkin ng China sa halos buong South China Sea, kasama na ang West Philippine Sea. 

Hinimok niya ang China na itigil na ang pananakop nito sa naturang teritoryo at hayaan ang Pilipinas sa paggiit nito ng soberaniya at ligal na karapatan sa WPS kasama na ang pagpapanatili ng marine, gas at oil resources na naririto.