Tinukoy ngayon ng Ministry of Health ng New Zealand na nagmula sa Pilipinas ang dalawang biyahero na bagong nagpositibo sa coronavirus.
Ayon sa ministry, ang dalawang pasyente ay naka-isolation na ngayon sa kanilang pasilidad na unang dumating mula sa Pilipinas at dumaan sa Hong Kong.
Ang unang kaso ay lalaki na ang edad umano ay nasa “20s” na dumating sa kanilang bansa noong July 23.
Ang ikalawang kaso naman ay isang babae na ang edad ay nasa “40s” na dumating naman noon lamang August 1.
Nagpositibo umano ito sa COVID-19 makalipas ang tatlong araw sa kanyang pananatili sa isang isolation facility.
Sinasabing nasa ika-96 na araw na ngayon mula ng huling maiulat ang huling kaso na tinamaan ng deadly virus mula sa local transmission.
Sa ngayon meron ng 1,219 ang kabuuang pasyente na kinapitan ng COVID-19.
Ang New Zealand na isang Pacific island nation na may limang milyon ang popolasyon ay kabilang sa ilang bansa na kinikilala ang tagumpay sa pagiging epektibo sa pagkontrol sa pagkalat sa COVID cases.