-- Advertisements --
DOH briefing duque WHO

Kinumpirma ngayon ng Department of Health (DOH) ang panibagong dalawang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas kung saan sa kabuuan ay meron nang lima ang naitatala sa bansa.

Sa ginanap na press briefing, iniulat ni Health Secretary Francisco Duque III na kabilang sa ikaapat na bagong kaso ay isang 48-anyos na lalaki na may travel history sa pagbiyahe sa Japan.

Ang ikalima naman na pasyente ay regular na bumibisita sa isang Muslim prayer hall sa Barangay Greenhills, San Juan City.

Pinag-aaralan ngayon ng DOH kung ang nasabing ikalimang pasyente ay unang kaso ng local transmission dahil wala naman daw itong record na pagbiyahe sa ibang bansa.

Liban dito, ayon sa DOH maaari lamang masabi na meron ng local transmission kung meron pang mahigit sa isa pa ang nahawa.

Kaya naman puspusan na ngayon ang contact tracing sa posibleng nakasalamuha ng mga ito.

“There is no transmission to speak of as of yet because we only have one. That’s why we’re doing contact tracing,” ani Duque.

Agad namang nag-abiso ang DOH sa mga bisita ng Muslim prayer hall na kung sakaling makaramdam ng symptoms ay makipag-ugnayan lamang sa DOH hotline (02)8-651-7800 loc 1149-1150 para sa kaukulang referral at kung ano ang mga dapat pang gawin.

Ang ikaapat at ikalimang kaso ng COVID-19 ay kapwa naka-confine na ngayon sa Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa City.

Sinasabing ang ikaapat na pasyente ay bumalik ng Pilipinas noong February 25 at nakaramdam nang trangkaso mula noong March 3.

Matapos magpakunsulta at makuhanan ng samples at testing, ito ay nakumpirma na may COVID-19 kahapon.

Ang ikalimang kaso naman na 62-anyos na lalaki ay meron nang dating karamdaman sa hypertension at diabetes.

Ito raw ay nagpakunsulta noong March 1 sa isang ospital sa Metro Manila at na-admit sa pagamutan dahil sa severe pneumonia.

Nakumpirma rin ito na may COVID-19 kahapon matapos na makunan ng specimen nitong nakalipas na March 4.

“We can still contain the spread of the virus in the country, which is why we are encouraging the public to practice proper handwashing, social distancing, and cough etiquette. We call on the public to be vigilant,” bahagi pa nang panawagan ni Sec. Duque.