Na-detect ang 2 bagong kaso ng mpox sa lungsod ng Quezon, kayat pumalo na sa 3 ang dinapuan ng naturang sakit sa lungsod.
Sa isang statement na inilabas ngayong Sabado, kinumpirma ng pamahalaang lungsod ng Quezon na ang ikalawang kaso ng mpox ay isang 29 anyos na lalaki habang ang ikatlong kaso naman ay isang 36 anyos na lalaki.
Ang ikalawang kaso ay nagsimulang makaramdam ng sintomas gaya ng sugat sa bibig noong Agosto 21 at nasuri para sa mpox noong Agosto 28 kung saan lumabas ang resulta noong Agosto 30 at nag-positibo sa sakit ang pasyente.
Sa ikatlong kaso naman, nilagnat ito noong Agosto 26 at nagkaroon din ng pantal sa sumunod na araw. Lumabas na positibo rin sa mpox ang resulta sa pagsusuri sa specimen ng pasyente noong Setyembre 5.
Sa ngayon, parehong sumasailalim ang 2 sa home isolation at tumatanggap ng medikal na atensiyon.
Ang pagkakatala sa 2 bagong kaso ay isang linggo ang nakakalipas mula ng ianunsiyo ng QC LGU ang unang kaso ng mpox sa kanilang lungsod.
Samantala, nagsagawa na rin ng contract tracing sa mga nakasalamuha ng mga dinapuan ng sakit.
Hinimok naman ni QC Mayor Joy Belmonte ang mga residente ng lungsod na kung may sintomas ng sakit, agad na pumunta sa pinakamalapit na health center o ospital para masuri. Ugaliin din aniya ang paghuhugas ng kamay at lumayo sa mga taong nagpapakita ng sintomas ng mpox.
Tiniyak din ng alkalde na handang tulungan ng lokal na pamahalaan ang mga dinapuan ng sakit para sa kanilang mabilis na paggaling.