KORONADAL CITY – Nasawi ang isang dating bilanggo habang arestado naman ang kasama nito matapos na manlaban sa mga otoridad sa isinagawang hot-pursuit operation dahil sa pagtangay ng pera ng isang gasoline station sa M’lang, North Cotabato.
Ito ang kinumpimar ni Police Lt. Col. Realan Mamon, chief of police ng Mlang Municipal Police Station sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ang nasawi na isang alyas Jason Cordero, dating bilanggo at may kasong robbery habang ang naarestong kasama nito ay si Joey Plamer alyas Rex Recabu, 38 anyos na residente ng Sitio Pingoy, Barangay Colongolo, Surallah, South Cotabato at nakulong sa South Cotabato Provincial Jail dahil sa kasong rape.
Ayon kay Mamon, binawian ng buhay si Cordero matapos makipaghabulan at makipagbarilan sa pulisya sa kahabaan ng Purok Maharlika, Brgy Bagontapay, Mlang, Cotabato.
Habang naaresto naman si alias “Rex Rebacu” sa isinagawang Oplan Shield o lockdown sa kahabaan ng national higway sa Barangay Bagontapay sa nabanggit na bayan.
Nakunan pa ng CCTV footage ang mga suspek pwersahang tinangay ang Php14,000 sa cashier ng MYGAS Gasoline Station at isang motorsiklo ng isang estuyante.
Narekober mula sa mga suspek ang dalawang android cellphone, isang unit ng replika ng Caliber 45 pistol na may kasamang magazine; 56 na bala, pera, at ang ginamit nitong motorsiklo na Gray XRM na walang nakakabit na plaka.
Sa ngayon, maituturing na case solve na ang pangyayari at balik kulungan ang dating bilanggo na si Recabu na isang linggo pa lamang umano na nakalabas sa South Cotabato Rehabilitation and Detention Center.