CENTRAL MINDANAO-Makikinabang sa dalawang bagong makinarya na ibinigay ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka ng palay sa lungsod ng Kidapawan.
Pormal na tinanggap ng mga kasapi ng farmers associations sa lungsod ang isang Combined Rice Harvester at Four-Wheeled tractor mula sa DA.
Nagkakahalaga ng mahigit sa P1.6 million ang Combined Rice Harvester at P1.4 million naman ang four wheeled tractor.
Ang pagkakaroon ng mga bagong makinarya ay bunga ng pagsisikap ni City Mayor Joseph Evangelista na ilapit sa DA ang kahilingan ng mga magsasaka partikular na sa Rice Competitiveness Enhancement Program ng ahensyana naglalayong maiangat ang kalidad ng produksyon ng bigas at mapaunlad pang lalo ang pamumuhay ng mga magsasaka.
Sa kanyang mensahe, binigyang -diin ni Mayor Evangelista ang Buy Back program ng City Government kung saan bibilhin ng City Government ang produkto ng mga magsasaka sa tamang presyo at ibebenta naman sa iba pang pamilihan.
Maliban pa sa mga nabanggit na makinaryang pangsakahan, nabigyan din ng DA ng kani-kanilang Kokum Dryer ang labing tatlong mga barangay ng lungsod.
Malaking benepisyo ang hatid ng kokum dryer lalo na at magagamit ito sa pagpapatuyo ng niyog para maging copra.
Ginanap ang turn-over ceremony ng mga bagong makinaryang pangsakahan sa Barangay Paco, kahapon alas nuwebe ng umaga na dinaluhan ni Mayor Evangelista, mga kagawad ng City Agriculture Office at mga farmer association presidents ng labintatlong farming villages ng lungsod.