-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Pinalitan sa selda ng duty jailer at desk officer ng Bacolod Police Station 9 ang kanilang inmate na pumuga kahapon.

Una rito, kinumpirma ni Bacolod City Police office (BCPO) spokesperson Lt. Colonel Ariel Pico, na alas-11:02 kahapon ng umaga ng pumuga ang inmate na si Gabriel Liboon, 29, ng Purok Nami-nami 1, Brgy. Sum-ag, Bacolod City.

Ito’y matapos na binuksan nito ang kandado ng selda gamit ang barbecue stick.

Si Liboon ay naaresto nito lamang nakaraang Enero 8 kasunod ng buy bust operation na inilunsad laban sa kanya.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang paghahanap sa suspek.

Dahil sa pagpuga ni Liboon, ipinalit sa kanya sa selda ang duty jailer na si Police Staff Sergeant Jose Miguel Rogacion at ang desk officer.

Kasunod ng pagsampa sa kanila ng kaso na infedility in the custody of prisoners.

Napag-alaman na “strike two” na ang BCPO ngayong buwan ng Enero sa kaso ng pagpuga ng mga inmates.

Nito lamang nakaraang linggo ay apat din na inmates ng Police Station 3 ang tumakas ngunit kalaunan ay sumuko rin kung saan ang isa ay nagpatulong pa sa Bombo Radyo Bacolod.