-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Maswerteng nakaligtas ang dalawang mga foreign nationals at tatlong mga Pinoy matapos na lumubog ang kanilang sinasakyang fishing boat sa bahagi ng Hinundayan, Southern Leyte.

Kinilala ang mga banyaga na sina Grahame David Hastings at Donald Cox, kapwa taga-Australia, gayundin ang tatlong mga Pinoy na sina Har-ar Aradaza, Serecio Adanza at Michael Samatina.

Ayon kay P/MSgt. Jonald Abad, imbestigador ng Hinundayan Municipal Police Station, mangingisda sana ang mga ito nang bigla na lamang magkaaberya ang makina ng kanilang sasakyang pandagat.

Dahil na rin sa lakas ng alon, tumaob at lumubog ang kanilang sasakyan.

Isa sa mga biktima ang nakahingi ng tulong kaya’t kaagad na nakaresponde ang Philippine Coast Guard at miyembro ng local disaster risk reduction management office.

Sa ngayon ay nasa maganda na ang kalagayan ng mga biktima matapos ang nangyaring insidente.