-- Advertisements --

Nakabalik na sa kanilang bansa ang dalawang Indonesian kidnap victims na binihag ng mga bandidong Abu Sayyaf sa probinsiya ng Sulu.

Pinalaya ang dalawang banyagang kidnap victims nuong Biyernes ng gabi January 19,2018 matapos ang higit isang taon na pagkakabihag.

Kinumpirma ni Joint Task Force Sulu Commander BGen. Cirilito Sobejana na nasa bansang Indonesia na ang dalawang bihag na nakilalang sina La Utu La Raali at La Hadi La Edi na siyang kapitan ng Malasyian fishing vessels.

Batay sa report na nakarating sa JTF Sulu, dinala ang dalawang bihag ng mga hindi nakilalang mga emisaryo sa bahay ni dating Sulu Gov. Abdusakur Tan sa Barangay Asturias, Jolo,Sulu
nuong Biyernes ng gabi.

Mismong ang nakakatandang Tan ang nag abiso sa JTF Sulu kaugnay sa paglaya ng dalawang bihag.

Kaagad namang dinala sa Camp Teodulfo Bautista headquarters ang dalawang pinalayang kidnap victims at isinailalim sa medical examination at tactical debriefing.

Mga opisyal ng Indonesia ang nag pick-up sa dalawang bihag at inuwi sa kanilang bansa.

Taong Nov. 5, 2016 ng dinukot ang mga bihag malapit sa Taganak Island sa Tawi-Tawi.

Sa ngayon sa datos ng militar nasa limang banyaga na lamang ang hawak ng bandidong Abu Sayyaf kabilang dito ang tatlo pang Indonesians, isang Dutch at Vietnamese, habang tatlong Pinoy pa ang bihag ngayon ng ASG.