KORONADAL CITY – Itinaas ngayon sa heightened alert status ang seguridad sa Maguindanao Del Sur matapos na sumabog ang isang Improvised Explosive Device (IED) sa Barangay Ganta, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur na ikinasawi ng dalawang barangay officials.
Ito ang inihayag ni PMajor Raul T Sarabia, chief PCADU MDS PPO sa panayam ng Bombo Radyo.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jun “Datu Manot” Silongan at Kagawad Salik Datua. Samantalang isang sibilyan pa ang nasugatan sa pagsabog.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, naglalakad lamang si Chairman Silongan kasama ang iba pang opisyal ng barangay mula sa barangay hall nang biglang may sumabog.
Patay on the spot si Chairman Silongan habang sugatan naman sina kagawad Salik Datua at ang isa pang sibilyan na naputulan ng paa dahil sa pagsabog.
Sila ay agad na isinugod sa isang ospital sa Midsayap, Cotabato kalaunan, ay nasawi din ang isa sa mga malubhang nasugatan.
Si Chairman Silongan ay kapatid ni Datu Salibo town councilor Demson Silongan na pinaslang noong April 17 malapit sa Munisipyo habang siya ay papunta ng session hall.
Sa ngayon, isa sa mga pinaniniwalaang responsable sa pagsabog ang Dawlah Islamiya ngunit patuloy pa na nangangalap ng ebendensiya ang mga otoridad.
Isa din sa tinitingnang anggulo ang pulitika na posibleng motibo din sa pangyayari.