-- Advertisements --

Isinailalim sa yellow category ng Cebu Police Provincial Office (CPPO) ang dalawang barangay sa lalawigan ng Cebu kaugnay sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ( BSKE).

Kabilang pa sa mga lugar na ito ay ang Brgy. Linao sa lungsod ng Talisay at South Poblacion sa bayan ng San Fernando.

Inihayag ni PMaj Mariejin Encio, spokesperson ng CPPO na sa 1,066 na barangay ng Cebu Province, ang mga nabanggit na lugar lang ang kabilang sa areas of concern at kailangang tututukan ng pulisya habang ang iba ay nasa green category o walang security concern.

Paliwanag pa nito na isinailalim sa ‘yellow category’ ang dalawang barangay dahil sa mga nakaraang election-related incidents.

Nilinaw ng opisyal na hindi ito nangangahulugan na magulo na ang lugar kundi naghahanda lamang sila upang matiyak na magiging ligtas at maayos ang darating na barangay elections.

Sa ngayon aniya, mayroon na silang isinagawang mga coordination meeting para sa kanilang mga paghahanda.

Batay sa crime status ng lalawigan, nakitaan ng makabuluhang pagbaba ng mga naitalang krimen mula noong nakaraang taon.

Mula sa 7,916 na naitalang insidente ng krimen noong Enero 1 – Hulyo 9, 2022, mayroon na lamang 7,817 ang naiulat ngayong taon.

Kabilang sa mga laganap na krimen na naitala ay ang pagnanakaw, physical injury, at panggagahasa.